Ang Huling Mga Araw
Ito ang unang pagkakataong nakita ko siyang nakasuot ng barong na tinernohan ng itim na slacks. Pormal na pormal siya sa kanyang bihis.
Si Brandon, kapwa ko siya OFW sa Japan. Nagkatagpo kami sa embassy kasama ang isa niya pang kaibigan na si Arnold. Noong malipat ako ng trabaho ay lumipat rin ako ng apartment at sila ang una kong naisip na hingian ng tulong. Hindi naman ako nagkamali dahil inirekomenda nila sa ‘kin ang kanilang tinutuluyan. At dahil magkakalapit lang kami, kada libre o kaya minsan t’wing Biyernes ng gabi ay nagsasama-sama kami upang magpunta sa mga panggabing aliwan.
Si Brandon ay isang gitarista ng bandang binuo nila ni Arnold sa Pilipinas ilang taon na ang nakalilipas. Dahil sa mga bentang awiting kanilang nililikha, sila ay nadiskubre ng isang recruiter at manager na nagpapabalik-balik sa bansa upang humanap ng maaaring maging mga entertainer. Noong alukin sila nito’y ‘di na sila tumanggi lalo’t malaki ang inialok na presyo sa kanila. Higit apat na beses na mas malaki sa kinikita nila kumpara rito. Ilang linggo matapos ay agaran silang nag-ayos ng mga talaksan upang makalipad na kasama ang dalawang iba pa nilang ka-banda.
Nang makarating ay nagsimula agad silang tumugtog. Gig dito at doon. Tila ba nagustuhan ng mga banyaga ang timpla nila. Nagkaroon sila ng marami pang pagtugtog hanggang matapos ang ilang taon ay nagsimulang lumabo ang samahan nila. Ang kwento sa akin ni Arnold, dahil daw ito kay Brandon. Isa sa mga Hapong manonood nila ay napalapit at nagsimulang makipag-kaibigan kay Brandon na naging dahilan ng kawalan niya ng oras sa paggigitara at pagtuklas ng bagong mga musika.
Nagtataka sila rito kung ba’t ganoon na lamang kalapit ang dalawa gayong bago pa lamang silang nagkakilala. Hanggang sa nadiskubre ni Arnold na may namamagitan palang relasyon sa dalawa.
Ang drummer ng banda nila’y kinailangang umuwi pabalik ng Pilipinas dahil sa problema sa pamilya samantalang ang bahista ay pinili ng kumalas lalo’t wala na ring saysay ang kanilang samahan at napabilang ito sa panibagong banda. Dahil dito’y minabuti na nilang mag-disband at nagkanya-kanya na lamang. Si Arnold ay nagpatuloy sa pakanta-kanta samantalang si Brandon ay nakikita niya raw na laging nakikipagkita sa lalaking kinilalang si Mori.
Susunduin raw ito ng mga bandang alas-diyes ng gabi at ihahatid ng alas-dos ng madaling araw.
Ang naabutan ko’y iba. Si Brandon ay iba-iba na ang nakakasamang lalaki matapos niyang tumugtog. Madalas nga’y iniiwan na niya kami ni Arnold at magsasabi na lamang kung anong oras siyang makakauwi kaya kamig dalawa ni Arnold na lamang ang natitira.
Hanggang isang gabi, kinatok namin siya upang lumabas. Kami ay naantala nang walang sumagot matapos ang ilang minuto. Tinakbo na ni Arnold ang duplicate at ng aming mabuksan ay bumalandra sa amin si Brandon. Nakaupo sa gilid ng kama, hawak ang dalawang larawan.
Isa ay ang retrato ng kanyang pamilya at ang isa nama’y ni Mori. Maraming wala ng lamang bote ng serbesa ang nakapalibot sa kaniya.
Tinanong namin siya kung ano ang nangyari. Sinagot niya kami ng malalim na buntong hininga. Sinara ko ang pinto at naupo kaming dalawa ni Arnold sa tabi niya hanggang siya ay tuluyan ng makatulog. Noong akmang ihihiga na namin siya ay napansin ko ang brown na envelope na isiniksik niya sa ilalim ng kanyang unan. Kinuha ko ito at iniabot kay Arnold dahil iba ang nararamdaman ko. Lumabas kami sa terrace upang pag-usapan ‘yon. Isinukbit ni Arnold ang kanyang antipara at binuksan ang ilaw. Maya-maya’y napa-upo na lamang siya. Tuluyan siyang nawala sa kaniyang tindig, damang dama ko ang kanyang panlulumo. Pinilit niyang magsalita kahit garalgal at nanginginig na ang kaniyang boses.
“May sakit si Don…HIV”, nang marinig ko ‘yun ay tila ba pinagsakluban ako ng langit at lupa. Isang mabuting kaibigan sa ‘kin si Brandon. Alam naming, nadarating ‘yun. Alam naming ang mga nangyayari sa kaniya sa t’wing inuumuga siya. Pinili naming siyang kausapin pero ni minsa’y di naming siya napilit pa. Ang dahilan niya’y ito na lamang ang pumapawi sa matinding kalungkutang bumabalot sa kaniya.
Kinabukasan paggising, naghanda kami ng almusal sa lamesa. Bumaba na si Brandon at naroon na kaming tatlo sa hapag.
“Magpa-gamot ka”, marahang basag ni Arnold sa katahimikan na hinalaw kaming lahat. Ang sumunod na eksena’y tuluyan na ngang nagpahintulot sa aking luha na bumuhos. Umiyak si Brandon saba’y sabing “Ilang buwan na lamang”. Niyakap namin siya. At pagkatapos ay nagkape kami upang mag-usap. Binalikan ang masasayang alaala, simula sa unang mga pagkikita. Sa haba ng pag-uusap, humantong kami sa isang plano. Lahat kami’y napagdesisdyunang bumalik muli sa bansa at gugulin ang natitirang mga araw ni Brandon doon. Sasamahan naming siya at pipiliting labanan ang sigwang binigyan na ng palugit ang kanyang buhay. Agaran na naming inayos ang aming mga papeles.
Labis na nagagalak si Brandon. Kami ay nakauwi na ng Pinas at pinili naming dumiretso sa Quiapo Church. Nasa ikalawang parte na ng misa ang naabutan namin. Pagtapos ay kumain kami at namili ng mga pasalubong. Pumunta kaming Baclaran kung saan nakatira ang kaniyang pamilya. Dito’y sinalubong kami ng 2 niyang kapatid at ina. Ipinaalam ni Brandon na pansamantala muna kaming makikituloy sa kanila. Pansamantala hanggang, basta.
Ilang lingo bago nagkaroon ng lakas ng loob si Brandon upang ipagtapat ang kaniyang sakit sa ina at kuya nito. Doble ang tindi ng kanilang reaksyon matapos silang makapag-usap ng masinsinan. Si Brandon ay maka-nanay at pinalaki sa layaw ng kaniyang kuya. Mahal na mahal nila ang bawat miyembro ng pamilya kaya ganoon na lamang ang pagkawasak ng kanilang loob.
Ilang araw na lamang. Sunod sunod naming inilabas si Brandon sa mga pasyalan at aliwan na para siyang isang batang nagsisimulang magka-isip. Pinagbigyan lahat ng nais. Sinamahan sa mga lugar na alam niyang makakapagdulot ng labis na saya sa kaniya. Sa bundok, sa dalampasigan, sa mga lugar na tatangay sa mabibigat niyang mga iniisip. At isang araw, alam naming dadating, hindi na siya gumising. Mahilig siyang maglakip ng mga papel sa ialalim ng unan. Isang liham para sa lahat. Nakasaad ay pagpapasalamat sa lahat ng umalalay. Pinili niyang takasan ang lungkot, hindi niya mawari kung anong kulang. At sa huling mga araw, napatingala siya sa langit. Napatingala siya sa kasagutan. Kahit minsa’y ‘di niya naisipang humingi ng tulong sa Diyos. Puro patalim ang kinakapitan at nakalimutan niya ang isang natatanging kamay ng lumikha sa kaniya at paulit-ulit siyang tatanggapin kahit gaano pa kadumi ang tingin niya sa sarili niya.
Humingi rin siya ng paumanhin. Lalong lalo na sa ina. Sunod ay ang kanyang kuya, sa bunsong kapatid at sa aming dalawa.
“Hindi pa huli ang lahat gaya ng aking mga huling araw upang magbalik sa liwanag”, huli niyang mga linya bago tuluyang tintahan ang ‘Huling Paalam’.
Ito ang unang pagkakataon na nakita ko siyang nakasuot ng barong. At alam kong ito na rin ang huli. Maya-maya’y magsisimula na ang libing at ang huling pagsilip sa kaniyang labi.
Kuwentong hindi ko malilimutan mula sa isang kaibigan na hanggang ngayon ay may lungkot pa rin mula sa puso habang inaalala lahat ng huling pag-papaalam.
Ito ay lahok sa Saranggola Blog Awards 2018
“Paliparin ang isap, abutin ang langit; bigkasin ang mga salita’t pakawalan asa hangin gaya ng Saranggola”
Must Share and Read !
TEACHERS -SPECIALISTS ORGANIZATION IN KUWAIT HISTORY
Angels in disguise Series: Ms. Glenn Caduada Untal
Case of Michelle Daguplo
An invitation to share my skills
My duty as a Filipino and an OFW
SPECIAL PROFESSIONAL LICENSURE EXAMINATION SPLE KUWAIT 2019
A multi-award-winning blogger and advocate for OFWs and investment literacy; recipient of the Mass Media Advocacy Award, Philippine Expat Blog Award, and Most Outstanding Balikbayan Award. Her first book, The Global Filipino Bloggers OFW Edition, was launched at the Philippine Embassy in Kuwait. A certified Registered Financial Planner of the Philippines specializing in the Stock Market. A recognized author of the National Book Development Board of the Philippines. Co-founder of Teachers Specialist Organization in Kuwait (TSOK) and Filipino Bloggers in Kuwait (FBK). An international member of writing and poetry. Published more than 10 books. Read more: About DiaryNiGracia
Acknowledgements
DISCLAIMER
Peace and love to you.