Saranggola

Saranggola

© Diarynigracia 2018

 

“Kuya Joeeeeeel!”

Alas-kwatro noon. Nagising ako matapos patulugin ni mama sa tanghali. Agad akong pinag-ayos ni mama, pinolbohan at nilagyan ng pamunas sa likod at hinanda niya ang saranggola ko. Alam niyang maglalaro na kami ni Archie sa labas.

 

Sa tapat namin ay matiyagang naghihintay si Archie dala ang bago niyang saranggola halatang mamahalin dahil sa disenyo at kapal ng sinulid. Nakangiti siyang lumapit sa ‘kin at nag-aya. Naglakad na kami papuntang bukirin noon kung saan tama lang ang hangin para sa pagpapalipad. Hindi pa man kami nakakalayo ay nakita kong nakasunod na sa amin ang kaniyang ina, si Tita Ana. Pagkarating namin ay binuklat na namin ang aming saranggola at nagsimula.

 

Nakita kong hirap si Archie sa pagpapalipad kaya tinulungan siya ng kaniyang ina. Maayos ang lipad ng akin, mataas. Napalayo akong kaunti sa kanila sa paghahabol ng sinulid. At doon napansin kong tinuturo ni Archie ang aking saranggola. Nagrereklamo siya sa kaniyang ina at maya maya’y umiyak ito dahil hindi talaga niya nagawang paliparin ang kaniya. Pinili kong ibababa na ang akin. Nilapitan ko sila at tinapik ko si Archie sa likod upang tumahan.

 

“Ayos lang ‘yan”, pampalubag ko ng loob niya. Naupo na lamang kami sa damuhan sa ilalim ng araw at naglaro ng bato-bato-pik. Tuluyan niyang nakalimutan ang nangyari kanina dahil lagi siyang nananalo sa amin. Ang totoo’y pinagbibigyan ko siya. Nakita kong napangiti ang kaniyang ina.

 

Tuluyan ng nag-takipsilim at kami ay umuwi na. Pagpasok nila Archie sa kanilang tahanan ay napansin kong naroon ang kanilang ama at may pasalubong na maraming pagkakin. Dumeretso na ko pauwai’t kinumusta ako ni mama. Ikinwento ko ang nagyari at niyakap niya ako. Sa pagkakataong yun ay ‘di ko maintindihan kung ba’t sila natutuwa sa paraan ng pakikitungo ko kay Archie.

 

Bandang hapunan, may tumawag sa akin. Si Tita Ana, may dalang pagkain. Iniabot niya sa akin at sinabing ipasok ko raw. Pagkatapos isalin ay isinauli ko ang kanilang plato. Inakbayan ako ni Tita Ana at sabing sumama raw sa kaniya. Sa kanila ay nadtnan ko si Archie, mahimbing na ang tulog.

 

Biglaan ay nagpasalamat ang ama ni Archie sa akin. Si Tito Robert.

Agad kong tinanong kung bakit. Naupo siya sa harap ko’t nagpaliwanag. Si Tita Ana ay naglapag ng juice at cake sa harap ko. Nagsimula siya ng kwento.

Limang taon pa lamang si Archie noon ng madiskubre nila na may sakit siya sa puso. Hindi nila ito matanggap lalo’t masakit sa kanila na ang nag-iisa nilang anak ay may sakit na maaaring humantong sa kamatayan. Doon ay aking napagtanto kung bakit ganoon na lamang ang pag-aaruga nila rito. Laking pasasalamat nila sa ‘kin dahil isa raw ako sa mga nagpapasaya kay Archie. Lagi raw akong naikekwento nito matapos ang ilang oras ng paglalaro. Ang mga pagtatanggol ko ‘pag may nang-aaway sa kaniya dahil sa mga bagay na hindi nila maintindihan tulad ng pagsama ni Tita Ana sa t’wing lalabas ito sa paglalaro, sa lagging pag gabay sa kaniya sa t’wing magpapalipad ng saranggola at pagtawid, sa paggawa ko sa kaniya ng mga eroplano at bangkang papel at marami pang iba.

 

Dose-anyos ako at siyam na taon pa lamang si Archie nung lumipat sila sa amin. Ako, bilang bunso ay nakadama ng pagiging kuya para sa kanya. Malambing siya at madalas kaming nagkakasundo sa mga bagay-bagay. Tulad nalamang ng pagpapalipad ng saranggola.

 

Ika-labingisang kaarawan ngayon ni Archie. Suot ko ang polong ipinamili namin ni mama kahapon at dala ang regalo kong libro noong kumatok ako sa kanila. Pagpasok ko ay agad niya kong sinalubong ng yakap at ng sabik na pagbati ng “Kuya Joel, nandito ka!”. Agad ko siyang sinagot na hindi ako pwedeng mawala sa espesyal niyang araw. Iniabot ko sa kaniya ang librong koleksyon ng mga kwentong pambata. Lubos ang kaniyang pasasalamat. Pinakain ako ni Tita Ana habang nagdadatingan ang iba pang mga bisita. Ang mga ito’y binabati si Archie at hinahagkan. Nakita kong sobra ang pagmamahal nila sa bata. Hindi na ako nagtaka pa. Isang mabuting bata si Archie.

Isang mabuting batang higit na nangangailanagan ng pagmamahal kumapara sa ibang bata. Kumpara sa tulad ko. Gayon, buong puso kong inaalay ang aking pagiging kuya sa kaniya. Handa akong tulungan siyang bumuo ng normal na pamumuhay bilang isang tao sa kabila ng kaniyang dipirensiya.

 

Dahil ang mga saranggolang hirap paliparin ay higit na nangangailangan ng parehong lakas ng hangin at higpit ng paghawak.

 

Ito ay lahok sa Saranggola Blog Awards 2018

“Paliparin ang isap, abutin ang langit; bigkasin ang mga salita’t pakawalan asa hangin gaya ng Saranggola”

 

 

 

Peace and love to you.


Gracia Amor
error: Content is protected !!