MGA TULA MULA PUSO

© Diarynigracia 2018

Manikang De Susi

Paulit-ulit
Nilang pinipihit
Na parang ako’y pagmamay-ari nila
Hayok sa makamundong laro
Na hindi hapon ang simula
Gabi-gabi akong nahiyaw
Hindi bilang interpretasyon ng paghalinghing
Bagkus ay uri ng paghingi
Ng tulong sa dilim
Kada umaga
Bibisitahin ako ng hapdi
Sa parteng tuluyang nasira
Na mismong mekaniko
Ang nagpalala

Hindi na naitala
Kung ilang beses nagpasok ng bakal
At ang suka’t turnilyong idinuwal

Walang sumubok na magmanipula
Pula na naman ang buwan
Nangangahulugan ng madugong laban
Na matagal ko ng sinukuan

Sumayaw ka rito’t
Bumaligtad  ka d’yan
Tinawanan at dinuruan

Paulit-ulit
Nilang pinipihit,
Pulit-ulit pinipilit,
Inaanyayahan sa isang larong
Ako ang manikang de susi

 

CLARA 

Katorse-anyos kami pareho
Noong magsimulang mangarap,
Sinulat lahat ng kahilingan
Habang nakahilata’t nakatingala
Sa ilalim ng puting ulap
Gumuhit ng pangako’t
Inilakip sa kani-kaniyang mga talukap

Disi-sais anyos kami pareho
Noong magtapos ng sekondarya,
Tinanong kung sa’n magko-kolehiyo
At agad na iniiba
Kung anong kukunin na kurso,
Ibabaling ang tingin, ako’y hihilain
Kumain na raw muna,
Hinayaan kita’t
Basta ‘pag nagpunta na ‘kong Maynila
Susulat at itutuloy
Natin ‘tong dalawa

Bente anyos ako noon,
Maikakabit na sa aking pangalan
Ang nangungunang dalubhasaan
Pero nasaan ka na kaya,
Dalawang taon noong huli kitang nakita
Isang taon at kalahati na
Noong huli kang tuminta,
Ang dami kong
Gusting itanong sa’yo
Lalo’t nabalitaan kong
Nagkahiwalay na raw si Tito at Tita

Bente-kwatro anyos ako
Ngayon, tatlong taon na sa trabaho,
Napasama sa isang magandang kompanya
At may higit sa sapat na pa-sweldo,
Heto na’t nabubuo

Uuuwi ako,
Uuwi ako sa’yo
Pasalubong ay katuparan
Ng mga planong ating itinayo,
Tatlong oras higit ang biyahe
At pagbaba ng sasakyan
Ay sinalubong agad ako ng hagkan
Ng aking pamilya

Heto na’t handa na ‘kong bumuo
Ng pamilya,
Kasama ka,
Agaran kang tinanong,
Lumipat ka na raw pala,

Sa pananabik
At pagtataka,
Agarang nagmaneho
At binaybay ang nasabing ruta,
Na naghatid sa ‘kin
Sa dulong eskinita,

Kinatok ang isang bahay
Na tila abandonado na
At hindi ako nawalan ng pag-asa
Nilakasan pa ang katok
Kasabay ng pagbilis at paglakas
Ng tibok ng aking dibdib,

Isang lalaki ang tumapik,
“Siguro ikaw si Ismael?”

Tumindig at tumango ako,
At agarang nanlumo,

Gumuho’t nabubog
Ng basong ibinigay mo
Noong disi-nuebe anyos ako

“Nako huling-huli ka na,
Nagpatiwakal si Clara
Limang taon na ang lumipas
Matapos magahasa”

“Sinong may pakana?”

“Hindi na nakilala”

Higit isang dekada,
Ang babaeng naging inspirasyon ko
Sa lahat
Ay wala na.

Trenta-anyos ako ngayon,
Pinuno ng isang grupong
Nagsusulong ng adbokasiya
Ukol sa pagsalungat sa panggagahasa,

Pinuno ng Clara.

 

 

SI LUNA AT ANG LANGIT 

Isang magarang
Tahanan ang sasalubong
Pagbaba sa sasakyan
Ang dinaanan
Na ng mga taong
Itinuring nang eksperto sa kanilang larangan,

Sa pagbukas ng pintuan,
Babalandra ang isang lalaking
Itinuturing na ama,
Parehong respetado
Sa usapang Arkitektura
At ng mga taong nakaharap na

Ang mga nanlilisik na mata
Ang mas nagpantidig pa
Sa kanyang postura,
Bukas ang unang butones ng polo
At tila ba walang sinturon ang lonta,
Nakaupo sa kayumangging taborete’t
Hawak ang puting tasa,
Ang kapeng lalong nagpa-nerbyos,
Sa kanya ay tsaa
Ang katahimika’y nilapatan
Ng kahindik-hindik na musika
Mula sa lumang plaka
Na ipinamana,
Kwento ng kasambahay,

Na parati kong napapakinggan
At hiniling na ‘di na mapakinggan pa,

Naroon siya,
Nasa sulok,
Pilit na kinikilala
Ang mundong hindi na siya inintindi
Na sa murang edad ay nagpamulat sa kaniya
Ukol sa konsepto ng impyerno

Ang garalgal niyang boses
Ay pabulong na tatawag ng “Kuya”
At kunwari’y ‘di ko siya narinig o nakikita,
Bibilisan pa ang hakbang
At aabutin

At sa kama
Ay katabi kong matutulog
Ang abalang konsensiya
Na patuloy na kinukundena
Na kung bakit
Ang kulay rosas na atmospera
Ng kanyang silid
Ay tuluyan ng nagdilim

Wala ng halimuyak
Ang bulaklak,

At sa kabila pang kwarto,
Naroon siya,
Sa tabi ni ama,

Na ipinapakita ang impyerno,

Kahit dapat ay nasa
Kabilang kwarto pa siya,
Nararanasan ang langit sa
pagsasaya sa pagkabata.

 

 

Ito ay lahok sa Saranggola Blog Awards 2018

“Paliparin ang isap, abutin ang langit; bigkasin ang mga salita’t pakawalan asa hangin gaya ng Saranggola”

 

 

 

Peace and love to you.


Gracia Amor
error: Content is protected !!