Nakalakip sa Libro
Hapunan na nang makauwi ako galing eskuwela. Naabutan ko si papa na naghahanda ng pagkain sa kusina. Nagmano ako sabay pumanik pataas sandali para ilagay ang aking mga gamit at nagbihis at agaran ding bumalik. Matapos ay nagligpit na kami ng pinagkainan.
Dalawa na lamang kami ni papa sa buhay. Bata pa lamang ako noong pumanaw si mama.
Nagpunta na kami ng sala upang manood ng telebisyon. Kinumusta niya ang araw ko. Ang sabi ko’y ayos lang. Lagi niya kong kinukumusta, mabuti’t maalaga si papa. Nakalapag ang telepono ko sa lamesa sa harapan namin ng bigla itong mag-ring at bumukas. Bumungad sa amin tawag ni David, ang aking kasintahan. Ako nga pala si Cyron, at oo, pareho kaming lalaki. Sobra ang aking kaba noong mga panahong ‘yun. Sinubukan kong tumakas sa eksena pero agad akong pinigil ni papa, tinawag niya ‘ko sabay pinaupo. Dumukot siya sa kaniyang bulsa at kinuha ang isang larawan.
“Siya ba ‘yon?”
Tanong niya habang hawak ang larawan ni David.
Yumuko ako at tumango, handa na sa kamao niyang maaaring dumaong sa ‘king katawan. Pero hindi, niyakap ako ni papa.
“Anak, tanggap kita”
Lumuha ako noon at nagsumiksik pa sa pagkaka-hagkan niya.
Sa Gabing Malamlam
Ang alimuom ng gabi ang siyang nagpahintulot sa amin upang higpitan pa ang pagkapit sa kamay ng isa’t isa. Ang mga upuan sa parke at mga puno na lamang ang nakatingin sa amin. Pinili naming maupo. Doon ay binulong niya sa akin ang mga bagay na kinatatakutan niya. Sa gitna ng kanyang paglalahad ay tinigil ko siya’t pinaalalahanang hindi niya kailangan mangamba dahil ako lamang ang nakakarinig sa kaniya. Bahagya niyang nilakasan ang kaniyang boses nang magpatuloy. Kasabay ng pagbuka ng kaniyang bibig, nadama ko ang matindi niyang pagnanais na buksan ang higit pa roon. Ang nasa loob niya. Hindi, hindi ang kaniyang blusa. Bagkus ay ang kaniyang nadarama. Kung sino siya. Ang tunay niyang pagkatao na kaniyang itinatago sa takot na mahusgahan siya ng iba. Mga bagay na nagpapabigat sa kaniyang dibdib, Lalo’t may mga pagkakataong isinusumbat ko sa kaniya. Na nahihirapan na kong huminga sa masikip na tukador na aming pinasukan. Kaya niyakap ko siya ng mahigpit dahil alam kong kahit papaano’y mapapagaan nito ang kaniyang loob. At sinambit na darating ang araw na hindi na namin kakailanganin ang magkubli sa ilalim ng malamlam na gabi. Sa pagmamahalang kami lang ang nakakaalam.
Dr. Benjamin
Hihinto ang isang pulang sasakyan sa harap ng isang malaking lumang bahay at doon, bababa ang isang matipunong lalaki. Disente’t lalaki kung titignan. Pagbukas ng pinto’y sasalubungin siya ng mga kasambahay upang iakyat ang mga gamit, at ni Mrs. Victoria. Ang kanyang ina. Maya-maya’y makikita mo sa balkonahe sa ikalawang palapag si Benjamin na magsisindi ng sigarilyo. Susunod sa kaniya ang kaniyang ina. aMag-uusap sila ng masinsinan at matapos ay magpupunas ng mata si Mrs. Victoria habang si Benjamin ay nanlilisik ang mata sa kawalan. Siguro’y napag-usapan na naman nila si Sir Salvador. Ang tatay ni Benjamin na isa ring daluhasang doktor. Siguro’y napag-usapan nila ang pagkamatay nito o ang gabing pinalayas si Ben sa mansion. Pinalayas siya matapos magtangkang lumipat ng kurso. Pero higit pa roon, nadiskubreng may kinakasama siya. Kapwa lalaki, na talaga namang kinamuhian ni Sir Salvador. Labis ang galit niya kay Benjamin lalo’t nag-iisa niya itong anak. Ngayong tapos na si Ben sa medisina, balak niya ng kunin ang tunay niyang nais. Ang makapasok sa larangan ng Sining at Literatura. Pero higit pa rito, may isa pa siyang pinakaaasam, ang matanggap siya ng ama sa kung sino s’ya. Pero mukhang Malabo na.
Ito ay lahok sa Saranggola Blog Awards 2018
“Paliparin ang isap, abutin ang langit; bigkasin ang mga salita’t pakawalan asa hangin gaya ng Saranggola”
A multi-award-winning blogger and advocate for OFWs and investment literacy; recipient of the Mass Media Advocacy Award, Philippine Expat Blog Award, and Most Outstanding Balikbayan Award. Her first book, The Global Filipino Bloggers OFW Edition, was launched at the Philippine Embassy in Kuwait. A certified Registered Financial Planner of the Philippines specializing in the Stock Market. A recognized author of the National Book Development Board of the Philippines. Co-founder of Teachers Specialist Organization in Kuwait (TSOK) and Filipino Bloggers in Kuwait (FBK). An international member of writing and poetry. Published more than 10 books. Read more: About DiaryNiGracia
Acknowledgements
DISCLAIMER
Peace and love to you.